MANILA, Philippines — Nagpalabas ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ng babala sa publiko ukol sa paglaganap at paglipana ng bilang ng mga online gaming site na ginagamit ang logo ng pambansang ahensya ng gobyerno na namamahala sa industriya ng sugal sa bansa.
Inaanyayahan ni PAGCOR Chairman Alejandro H. Tengco ang publiko na maging mapagmatyag at magdoble-ingat kapag gumagamit ng mga online casino site na kahina-hinala at kaduda-duda na ibinibilad ang iyong datos ayon sa iyong pagkakakilanlan at pananalapi sa matitinding panganib.
Ayon kay Tengco, naipasara na ng PAGCOR ang karamihan ng mga nasabing iligal na website, bagaman ang ilan sa kanila ay agarang nakapaglilikha ng mga bago. Ito ang kadahilanan kung bakit humihingi ng kooperasyon at pakikipagsanib-pwersa ang ahensya upang tulungan itong sawatain ang pandaraya at pambubudol ng mga ito.
Ang mga resulta ng imbestigasyon ng PAGCOR sa mga suspitsosong website na mga ito ay nasa kamay na ng Philippine National Police (PNP), ng Kagawaran ng Teknolohiyang Pang-Impormasyon at Komunikasyon (Department of Information and Communication Technology), at ang National Bureau of Investigation (NBI).
Dagdag pa ni Tengco, nakapag-usap na ang PAGCOR sa mga ahensya ng gobyerno na may kaugnayan sa pagsasatupad ng batas at ng mga electronic payment service providers upang tuklasin ang posibilidad ng paghadlang sa mga transaksyon sa mga di-rehistradong online gambling website, na naging isang epektibong pamamaraan sa Estados Unidos at sa Singapore.
Isa pang posibilidad na inaaral ng PAGCOR ay ang paglikha ng landing site upang i-redirect ang mga mamumustang residente sa Pilipinas na magbibigay-babala sa kanila ukol sa mga iligal na website na kanilang pinapasukan at pinaglalaruan.
Inaanyayahan din ng PAGCOR ang publiko na i-ulat at isumbong ang anumang di-otorisadong paggamit ng logo nito sa mga online casino website sa bansa.
Gayundin, nagpalabas ng karagdagang babala ang PAGCOR ukol sa paglipana ng mga iligal na offshore gambling website na pinapalabas na sila’y lisensyado at kinikilala ng ahensya. Ayon sa PAGCOR, ang mga pekeng offshore gambling website na ito ay ginagamit ang logo at gumagamit ng dinoktor o pabrikadong lisensya.
Ilan sa mga naturang website ay kilala bilang efesbetcasino514.com, OG7777 online gaming (og7777.org), Mpo500.com, QQ88.com, mpo2121.com, Lgolive.com, napolibet.com, KRATOSBET LTD (kratosbet.com); mpossport.com and https://efsanebahis434.com.
Sa isang salaysay, ani PAGCOR chair at CEO Alejandro Tengco na “ang mga platapormang ito ay hindi otorisadong magpatakbo [ng online casino] sa anumang lisensya mula sa PAGCOR. Nais naming linawin na ang paggamit ng pangalan at logo ng PAGCOR ng mga website na ito ay harapang kawalan ng respeto sa ahensya at panganib sa publiko.”
Dagdag pa ni Tengco, “Hinihimok namin ang lahat upang manatiling mapagmatyag at laging tiyakin ang pagiging lehitimo ng anumang gaming site bago ito gamitin… ang anumang entidad na nagpapakilala bilang tumatakbo sa ilalim ng lisensya mula sa PAGCOR para sa offshore gaming ay malinaw na lumalabag sa batas at dapat agarang isumbong.”
Maaalala ng lahat na epektibo mula ika-31 ng Disyembre, 2024, ang lahat ng Philippine offshore gaming operators (o POGO kung tawagin) sa bansa ay ipinagawal na mula sa atas ng Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Para sa lisatahan ng mga lisensyadong gaming operator katulad ng 20bet at para manatiling nakakaalam sa mga lehitimong aktibidad ukol sa gaming, pwedeng sumangguni ang publiko sa opisyal na website ng PAGCOR na matatagpuan sa www.pagcor.ph. Ang pambansang pagbawal sa POGO ay maaalalang inanunsyo ni Presidente Marcos sa nakalipas na State of the Nation Address nito noong Hulyo 2024. Noong Nobyembre 2024, ipinroklama niya ang Executive Order (EO) No. 74 na nagbabawal sa mga POGO sa bansa.














